----------------------------------------------------------------------------------------------
Family Care:
Depressed in Saudi due to break-up with perfect girlfriend
(Pagsisisi sa Sarili Dahil Nawala ang Kanyang Perfect Girl)
Question: Grecko (Saudi Arabia) Feb. 23,2009
Malungkot po ako ngayon. 8 months na ako dito sa saudi. Ang major na dahilan ko kung bakit ako nagpunta dito ay para makapagpakasal kami ni Ish, my girlfriend. Almost 3 years na kami ni Ish sa relationship na to. Masasabi kong almost perfect siya dahil sobra sobra siyang naging submissive sa akin. Sa pagsasama namin, ako lagi ang nasusunod... siya lagi ang nagbibigay.. sobrang bait nya.. as in sobra sobra!
Ang problema, simula ng dumating ako dito sa saudi arabia, hindi ko siya pinagkatiwalaan.. inabuso ko ang pagiging submissive nya at kinontrol ko ang buhay nya.. nawalan na siya ng identity. Ang masakit non, ngayon ko lang narealize tong mga bagay na to kung kelan sumabog na siya at nagsawa na sa pang aabuso ko sa kanya.. lagi akong galit.. ginawa ko siyang shock absorber sa lahat ng lungkot at pangungulila ko dito.
Masasabi kong maliit ang mundo ko ngayon dito sa saudi. Ang housing namen ay nasa katabi lang ng opisina namen. Hindi ako lumalabas dahil ayoko gumastos para mas mabilis makaipon at makatulong pa sa mga magulang ko. Masama ang ugali ng amo ko. Lagi akong pinapagalitan kahit wala naman akong ginawang mali. Salesman ang pinasukan kong trabaho pero hanggang ngayon "under training" paren ang status ko. Sobrang disappointed ako sa buhay ko ngayon dito. At lagi kong inilalabas ang inis, galit, at lungkot kay Ish.
Ito ang naging dahilan kung bakit lagi ko siyang inaaway, pinagseselosan, pinag iisipan ng masama, kinokontrol, at kung ano ano pa.. ngayon...wala na si Ish.. sabi nya na-fall out of love na daw sya.. hindi ko alam ang gagawin ko. wala akong pera.. mag isa ako dito. Wala akong makausap. Minsan iniisip ko na lang na magpakamatay dahil wala naman silbi ang pagtitiis ko dito. Pinagsisisihan ko kung bakit pumunta pa ako dito. Sinisisi ko ang sarili ko dahil sa nangyari sa amin ni Ish. Ayaw na nya ako bigyan ng chance...
Tulungan niyo ako. Na-stroke na ako last year, feb 15. Minsan iniisip ko sana ma-stroke nalang ulit ako. Puro dasal na lang ang gingawa ko. Patuloy ko paren siyang sinusuyo sa email at txt. Pero hindi na sya nagrereply. Tulungan niyo ako. Pagod na pagod na ako. Di na ako nakakatulog. Please.... ano dapat kong gawin. Hirap na hirap na ako. Inaamin ko, nagkamali ako, naging selfish ako.. demanding, at kung anu ano pang negative traits ang pinakita ko sa kanya.. pero ngayon ko lang ito lahat narealize. Before hindi ko alam na mali na pala yung ginagawa ko. Huli na ang lahat.. sobrang sinisisi ko sarili ko... sana mapatawad na nya ako.. tulungan niyo po ako please... hindi ko na po kaya..
------------------
Answers: (1st one from our Psychiatrist, the 2nd from our Psychologist)
Dear Grecko,
Ang una nating bibigyan ng pansin ay ang iyong kalusugan. Dahil nastroke ka na, importante ang regular na konsulta sa iyong doktor. Dapat mabigay ang nararapat na mga gamot para macontrol ang iyong presyon. Ang medical o pisikal na aspeto ng iyong kalusugan ay madaling matutulungan sa pamamagitan ng sapat na pagtulog, pagkain, exercise at mga gawain na nakakarelax o nagpapasaya. Lapitan ang mga kaibigan o kamag-anak. Ang nangyari sa iyo ay nararanasan ng maraming OFW.
Kung posible makakatulong ang pag-uwi sa ating bayan. Ayon sa iyong salaysay, wala namang magandang nangyayari diyan sa Saudi para sa iyo.
Dapat mo munang unahin ang iyong kalusugan. Marami ng gamot para sa Depression.
Mahirap at masakit ang nangyari sa iyo. Ang pagpunta sa isang Psychiatrist o Psychologist ay makakatulong sa pagtanggap at magbibigay linaw kung saang direksyon pupunta ang buhay mo.
Salamat sa iyong tanong.
Herman L. Sanchez, M.D.
Psychiatrist
Answer:
Hello Grecko,
Ang pagkasira ng isang relasyon ay talagang napakahirap. Maari nating sabihin na "traumatic" ang pangyayaring ito. Lalong lalo na kung pinaguusapan na ang pagpapakasal, at ang dahilan na napunta ka sa Saudi ay parang makapag-ipon para sa buhay ningyong magkasama. Higit pa dito, para sa iyo, mas mahirap harapin ito sapagka't iniisip mo na ang pangingilos mo ang dahilan kung bakit nawalan ng pagmamahal sa iyo si Ish.
Sa takbo ng panunulat mo, nadarama ko na ngayon ikaw ay nasa madilim at mababang lugar. Nakikita sa sulat mo ang mga damdaming mong wala nang pag-asa, wala nang magagawa pa at sakit ng loob na parang hindi na matitiis. Nakikita rin na ang isipan mo ay pabalik-balik at paikot-ikot sa mga nakaraang pangyayari at dahil dito ay nahihirapan kang magpatuloy ng mga gawain mo sa araw araw. Mahirap ang dinadaanan mo ngayon, nguni't kailangang mong malaman na ito ay normal na reaction, sapagka't nawala pa lang sa iyo ang pinakamamahal mo, yung iniisip mong magiging kabiyak pang-habang buhay. Mahirap maiisip ngayon na itong nadarama mo ay mapapawi rin sa pagdaan ng panahon. Nguni't kailangang paniwalaan mo ito. Hindi ito mangyayaring biglaan, hindi natin masasabi kung kailan mapapawi ito, nguni't kailangang paniwalaan na ito ay mangyayari. Mayroon ding magagawa upang matulungan ang sarili sa panahon na ito:
1. Sa kalagayan mo ngayon, Grecko, ikaw ay nakakaranas ng maraming simtomas ng depression, kaya kailangan mong mag consulta sa doctor o psychiatrist parang mabigyan ka ng anti-depressants na makakatulong so iyo ngayon.
2. Yung pag-dadasal na ginagawa mo ay ipagpatuloy mo. Malaking tulong ito. Maraming mga nakaranas ng katulad mo na nagsasabi na ang pagdasal daw ay nakatulong sa pagpapagaling ng kanilang puso at damdamin. Dito sa website na ito, may mga pictures ng Black Nazarene at nakalagay rin doon ang hymn na dinadasal ng mga tao. Click here to connect; ipatugtog mo rin yung video na nasa gitna ng pahina. Try this.
3. Sikapin na makapag-exercise ng kaunti sa araw-araw sapagka't ang pag-exercise ay nakakatulong mapawi ang nararamdamang depression
4. Gumawa ng schedule para sa buong araw at sundin itong schedule na ito maski mabigat ang katawan o iniisip na hindi kaya o ang karamdaman ay parang pagod na pagod.
5. Makipag-usap sa isang kaibigan, humingi ng tulong.
Pag masmalinaw na ang pag-iisip, kailangan mo ring patawarin ang sarili mo sa iyong mga ginawa na pinagsisisihan mo ngayon. At siguro kung ready ka na, maaring matanggap mo na ang decision ni Ish.
Salamat sa iyong sulat at kung mayroon ka pang gustong pag-usapan o itanong, Grecko, huwag mong kalimutan na "Hindi Ka Nag-iisa". Nandito kami para sa iyo.
Sumasaiyo,
Regina Diaz Goon
Psychologist
For service@OFWParaSaPamilya.com
--------------------
What would you tell Grecko? Submit your thoughts and questions on this topic by simply clicking on the word "comments" just below. Ask questions. Click on Magtanong sa Doktor or Magtanong sa Psychologist. Share your thoughts, feelings and experiences. Stay in touch!
Click here to set an appointment with a psychologist/doctor in the Philippines using our website.
Click to return to website: www.ofwparasapamilya.com
---------------------
Wednesday, February 25, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment